Nakakabahala naman ang sunud-sunod na balitang demolisyon sa
Parañaque at
Quezon City. Nauna noong Lunes ang
Silverio Compound kung saan isang buhay ang nasawi dahil sa marahas dispersal. Bali-balitang
SMDC ang nakabili ng lupa kung saan magtatayo sila ng gusali. Todong dineny naman ni
Henry Sy Jr. ang paratang pero may papeles na nakuha ang mga residente na dapat by June 2012 ay ready na ang lupa para umpisahan ang proyekto ng
NHA/SMDC.
Dito naman sa QC ay nakatakda na rin ang petsa ng demolisyon sa mga informal settlers ng
Doña Nicasia Subdivision bandang
Commonwealth. Ilan sa mga residente ay nagbarikada noong isang araw sa harap ng
Quezon City Hall.
Noong isang linggo naman, nasunog ang ilang kabahayan sa may
Agham Road malapit sa
TriNoMa. Nasunugan man, pinili ng mga naapektuhan na 'wag lisanin ang kanilang pwesto. Magtatayo na lang daw sila ulit ng panibagong matitirhan. Ayon sa balita,
Ayala Land naman daw ang nagbabalak umangkin sa mga lupa at gagawin daw business district.
HUWAW! Sa
Montalban, Rizal ang relocation site at hindi man lang sa parehong siyudad.
KALOKA!
Simula nang malipat ako sa public school noong ako ay Grade 5, nagkaroon ako ng mga kaibigan at ka-klase na nakatira sa skuala lumpur. Hindi man ako natira sa ganoong lugar, alam ko ang hirap na kanilang pinagdadaanan. Nariyang hindi makapasok ang ilan sa aking mga ka-eskwela dahil na-demolish ang kanilang bahay. Ang iba ay nasangkot sa batuhan para lang ipaglaban sa kanilang tinitirhan. Sa murang edad, natuto na sila kung paano protektahan ang lugar kung saan sila nagkamalay.
Andiyan na tayo sa konseptong parte ng pag-unlad ng isang lungsod ang magagarang imprastraktura. 'Yun nga lang at 'di maiiwasang may masagasaan dahil hindi naman bakanteng lote ang balak nilang gawan.
Noong panahon ng Kastila at Amerikano, may malinaw silang konsepto para sa city development ng ating bansa. Ngayon kasi na hati-hati na ang lungsod, kanya-kanya silang plano kung paano pauunlarin ang kanilang nasasakupan. Kebs sa mga taong maapektuhan pero kapag malapit na ang halalan, walang demolisyon na mababalitaan. Aawitan muna sila ng matatamis na pangako kapalit ng kanilang boto. Kapag winerva na, talo-talo na!
Sa
EDSA nga lang, halos tabi-tabi na ang mga bonggang condo units na itinatayo ng
SMDC, Ayala Land, GA atbp. Para ngang sinasakop na nila ang highway eh. Wala nang lugar if ever na magkaroon ng road widening ang pinaka abalang lansangan sa Kamaynilaan. Hindi na ako magtataka kung balang araw eh sina
Sy at
Ayala na ang may ari ng
NCR.