Monday, February 17, 2025

Mang Greg

Hindi ko na maalala kung kailan tayo unang nagkita pero nang magsimula akong mangolekta ng CDs, sinusuyod ko ang kahabaan ng Recto-Quiapo area para makahanap ng murang CDs. Nakita ko ang pwesto mo sa tabi ng Sogo, agad-agad akong pumasok para tingnan ang mga paninda. Tandang-tanda ko pa ang una kong binili sa'yo, #1's ni Mariah na may gasgas at penmark sa back cover. Pero hindi pa ako choosy noon, as they say, beggars cannot be choosers. CHAR! Simula noon, naging suki mo na ako. Kada linggo halos akong pumupunta hanggang sa lumipat ka ng stall sa loob ng Cartimar na may mas malaking espasyo. Sa tuwing ako'y darating, ituturo mo na agad kung saan nakalagay ang hilig ko - mga pop divas. Nang mag-viral ang tweet tungkol sa'yo, tuwang-tuwa ka dahil lumakas ang benta.

Nitong Enero lang nang mag-post si Rectoduction, isang buyer at seller din ng CD, na ikaw daw ay lumisan na. Hindi ako makapaniwala. Sinubukan kong alalahanin kung kailan ako huling pumunta sa'yo pero hindi ko na maalala. Sa tuwing pumupunta ako sa'yo, lagi mong sinasabi sa akin na sumali ng beauty pageant dahil sa tangkad ko. Na bagay sa akin ang pagtaba ko. Naabutan mo kasi ang pagpag era ko. CHOS! Ganoon na tayo katagal na magkakilala. 

Pumunta ako sa shop mo kanina. Of course, wala ka na sa usual spot mo. 'Yung mga karton ng CDs sa labas ay nabawasan na. Mukhang basta na lang itinambak sa loob. Hindi na ako makapagkalkal tulad dati. Hindi kasing alaga mo ang bagong namamahala. Bibili sana ako ng Ace of Base album pero doble ang presyo na bigay sa akin.


The magic of Mang Greg is now gone. Hindi na siguro ako babalik para bumili doon. Ngayon ko lang na-realize na isa sa mga rason bakit ako nagpabalik-balik ay dahil sa bonding natin. Pinagtagpo tayo ng iisang hilig - CDs. Hindi bale, sa tuwing titingin ako sa aking koleksyon, hindi maaaring hindi kita maalala.

Thank you for your passion in keeping the physical CDs alive, Mang Greg. Enjoy the music now sung by the angels.