Saturday, July 17, 2021

Hagip

I was watching Visions: Cinema - Film In The Philippines documentary last week at hindi ko maiwasang hindi mabilib sa artikulasyon nina Ishmael Bernal, Marilou Diaz-Abaya, at Lino Brocka. Ramdam mo sa mga salita nila ang passion in film making. They were describing the situation and challenges they faced during the time the documentary was made. May paninindigan, matapang sa mga isyu, frustrated sa censorship pero hindi sumusuko sa paggawa ng makabuluhang pelikula.

Isang eksena na tumatak sa akin ay noong ine-explain ni Ishmael Bernal kung bakit gustong-gusto niya ang gabi. Kaya naman nagawa niya ang isa sa kanyang mga obra, ang City After Dark. Imagine making a film without an actual script on hand. What a genius! Need to watch that film ASAP.

Tulad niya, gusto ko rin ang siyudad kapag gabi na particularly 'yung mga spontaneaous na lakad kasama ang mga kaibigan. Magkikita kami sa Coffee Belle sa West Ave. at magkukwentuhan magdamag. Kapag inabot ng gutom, tatawid lang sa kabilang kalsada para bumili ng siopao at siomai sa Kowloon West. Nakakamiss din ang night jog sa UP Oval. Bukas na ba sila sa publiko ngayon?

UP Diliman
Pre-pandemic, halos linggo-linggo rin akong nagsisimba sa Malate Church. Pagkatapos ng misa, maglalakad ako sa kahabaan ng Roxas Boulevard at magkakape sa CBTL o Starbucks. Uupo sa bandang gilid at magpapalipas ng oras o hindi kaya ay magsusulat tulad ng ginagawa ko ngayon. Pagkatapos ng mahigit isang oras, aaalis na at maglalakad muli papuntang Luneta. Kukunan ng litrato ang monumento ni Rizal na kailangan tama ang anggulo or else, mahahagip ng camera ang condo ng DMCI, ang pambansang photo bomber. Para sa akin, simbolo ito ng pagiging ganid ng mga kapitalista sa bansa. Hindi baleng mababoy ang kultura basta kumita lang.

Luneta
Konting rampa pa at manonood naman ng water fountain show. Hahalo sa mga tao para kumuha ng video para i-upload sa social media. Ang ilan sa kanila ay naka-live video pa. Mga batang namamangha sa kanilang napapapanood. Mga mag-jowang sweet sa isa't isa. Nakakatuwang alaala.

Kapag tapos na ang show, maglalakad muli hanggang sa istasyon ng LRT. Babalik sa dating gawi at maghahanda para sa darating na laban sa susunod na araw.

Sunday, July 11, 2021

Pintuan

Pagkatapos ng matagumpay na Anak ng Macho Dancer, may bago ulit handa si Direk Joel Lamangan sa ating kaharian. Ipapalabas ngayong buwan ang Lockdown, ang pelikulang magpapainit sa inuulan nating mga tilapia. Bida dito si Paolo Gumabao na una nating nakilala bilang Enzo sa Mga Batang Poz.

Ayon sa mga artikulo online, kwento ito ng isang OFW na nawalan ng trabaho at tumakas sa quarantine. Napilitang kumapit sa patalim para tustusan ang pangangailangan ng pamilya. Hanggang saan kaya ang kaya niyang gawin para sa kanila? 'Yan ang ating dapat abangan!

Paolo Gumabao
Starring din dito ang Cinemalaya Best Actress na si Ruby Ruiz, Max Eigenmann at Alan Paule. At dahil hindi required dumaan sa MTRCB ang mga pelikulang ipapalabas via streaming, hindi tayo mabibitin sa mga 'noches de leche' nina Dincent Lucero, Kristian Allene, Neil Suarez, Jeff Carpio, at Sean De Guzman. SHEREP!

Trailer pa lang, hindi ko na napigilang magwater-water sa maiinit na eksena. Walang kiyeme si Paolo sa laplapan huh! Napaka-swerte din ni Jim Pebanco at nahipo niya ang 'pintuan ng langit'. Sana ol, 'di ba?

Mapapanood ang UNCUT version worldwide starting July 23 via KTX, Upstream PH, RAD, WeTV Philippines, and iflix. Support local films tayo, mga ateng. Don't miss it!

Bubong

Sabado, pasado ala-siete ng gabi kahapon, binaybay ko ang kahabaan ng UN Avenue sa Maynila. Parang hatinggabi na ang eksena. Mabibilang mo sa kamay ang mga tao sa daan. May dalawang nurse akong nakasalubong. Mukhang pauwi na galing shift.

Bukas pa naman ang ilang kainan pero walang nakaupo sa mga lamesa. Malamlam din ang ilaw sa loob, cost-cutting siguro sa expenses para makatipid at ma-survive ang kasalukuyang sitwasyon ng ekonomiya. May mga street vendor na nag-aantay ng bibili ng yosi at mga batang yagit na palaboy sa daan. May construction sa gilid ng Manila Doctor's Hospital. Mukhang lumang building na inaayos.

Patawid na ako nang maramdaman ko ang paglakas ng ambon. Binilisan ko ang paglalakad para hindi masyadong mabasa. May payong naman ako sa bag pero tinamad akong ilabas. Baka magkasakit ako, sa isip-isip ko.

Malapit-lapit na ako sa aking pupuntahan nang mapansin ang isang residential building sa kanto ng Del Pilar Street. May bangko sa baba pero walang ilaw sa lahat ng bintana maliban sa iisa na nasa rooftop. Mukha tuloy abandonado. Ang ganda pa naman ng disenyo. May kanya-kanyang bubong ang bawat bintana.

Ilang hakbang pa at narating ko na ang kapihan na pagtatambayan ko. Umorder ng brewed coffee at makakain, hinintay magawa ng barista, saka umupo sa paboritong pwesto. Nag-disinfect ng lamesa, inilabas ang notebook at isinulat ito.