Sabado, pasado ala-siete ng gabi kahapon, binaybay ko ang kahabaan ng UN Avenue sa Maynila. Parang hatinggabi na ang eksena. Mabibilang mo sa kamay ang mga tao sa daan. May dalawang nurse akong nakasalubong. Mukhang pauwi na galing shift.
Bukas pa naman ang ilang kainan pero walang nakaupo sa mga lamesa. Malamlam din ang ilaw sa loob, cost-cutting siguro sa expenses para makatipid at ma-survive ang kasalukuyang sitwasyon ng ekonomiya. May mga street vendor na nag-aantay ng bibili ng yosi at mga batang yagit na palaboy sa daan. May construction sa gilid ng Manila Doctor's Hospital. Mukhang lumang building na inaayos.
Patawid na ako nang maramdaman ko ang paglakas ng ambon. Binilisan ko ang paglalakad para hindi masyadong mabasa. May payong naman ako sa bag pero tinamad akong ilabas. Baka magkasakit ako, sa isip-isip ko.
Ilang hakbang pa at narating ko na ang kapihan na pagtatambayan ko. Umorder ng brewed coffee at makakain, hinintay magawa ng barista, saka umupo sa paboritong pwesto. Nag-disinfect ng lamesa, inilabas ang notebook at isinulat ito.
No comments:
Post a Comment