Friday, February 25, 2011

Mananatili

Isa sa pinakapopular na karakter sa TV, pelikula at sa totoong buhay man ang mga kabit. Sino nga ba sa atin ang walang kilalang kabit? Minsan sila'y ating kamag-anak, kaibigan o simpleng kaopisina. Itinuturing itong imoral na gawain at kasalanan ngunit bakit tila hindi sila mawala? May mga tao nga bang nasa-satisfy sa kakarampot na oras at atensyon ng kanilang karelasyon? Dahil hindi ko alam ang sagot sa mga 'yan, pinanood ko na lang ang pinakasikat na pelikulang Pilipino tungkol sa kabit... ang Relasyon.

Nagsimula ang istorya na magjowa na sina Marilou (Vilma Santos) at Emil (Christopher De Leon). Nahihirapan si Emil sa kanyang oras dahil kailangan niya itong hatiin sa kanyang anak, kay Marilou at sa kanyang trabaho. Alam naman ng mga kaopisina ni Marilou na siya ay dakilang kabit.

Napagpasyahan nina Emil at Marilou na magsama sa iisang bubong. Ngunit 'ika nga nila, hindi mo malalaman ang tunay na ugali ng isang tao hanggat hindi mo ito nakakasama sa iisang bubong. Nawala ang mga sweet moments nila tulad ng madalas na pagde-date sa labas dahil laging pagod si lalake sa trabaho at mas gusto na lang ang magpahinga.

Vilma Santos and Christopher De Leon in Relasyon
Katulad ng kahit ano mang relasyon, sila ay nagkaroon ng mga pagtatalo na nauwi sa pansamantalang paghihiwalay. Ngunit hindi natiis ni Marilou ang malayo kay Emil kaya siya itong unang gumawa ng paraan para sila ay magkabalikan. Payag naman si Emil pero mas kumplikado na sitwasyon dahil nagkabalikan sila ng kanyang original wife. At kahit kakarampot na panahon na lang ang nakalaan sa kanya, tinanggap ito ni Marilou. Dito ko napagtanto na iisa talaga ang bituka ng mga kabit. Talagang nagkakasya sila sa tira tira. Oh di ba, nadala ako sa istorya.

Odd nga ang setup ng pelikula. Alam ng mga magulang ni Marilou na may asawa't anak na ang kanyang boyfriend pero parang patay malisya lang sila. Though may pagtutol sila, hindi ito matapang. Parang tinotolerate pa nga nila ang sitwasyon.

Ang haba na nito kaya go na tayo sa ending. Natsugi si Emil at hindi siya nadalaw ni Marilou sa burol. May delikadesa pa kasing natira sa pagkatao niya. It means, tao din ang mga kabit ang alam kung saan lulugar. Ewan ko na lang kung uso pa yan sa mga kabit ngayon.

Superb ang akting ni Ateh Vi sa pelikula. Lalo na dun sa eksenang sakit na sakit sa kanyang ulo si Christopher de Leon. Medyo boring kapag hindi siya hysterical sa mga eksena.  Aliw na aliw naman ako sa mga scenes nila ni Jimi Milendez.

Nasagot ng pelikula ang ibang katanungan ko tungkol sa mga kabit pero hindi lahat. Siyempre, iba iba naman kasi sila depende siguro sa partner at pagkatao nila. Yun nga lang, mananatili at mananatili ang bansag sa kanila... kabit.

2 comments:

  1. Marilou? (katok sa pinto) Marilou?

    ReplyDelete
  2. Nakasabay ng Relasyon ang Himala pero mas pinaburan ng mga award-giving bodies ang acting ni Vilma, kaya sya nag grandslam. Dahil that time hindi pa sila ready sa tahimik na acting ni Ate Guy na puro mata ang umaarte. Noon, magaling kang artista pag hysterical ang acting mo pero after 20 years ng balik-balikan na ng mga judges that time ang 2 pelikula, na-relialized nila na mas magaling di hamak ang acting ni Ate Guy sa Himala. Ang Relasyon hindi na napapag-usapan pero ang Himala nanalo pa ng award sa CNN bilang best film of all time in Asia-Pacific.

    ReplyDelete