Monday, April 6, 2020

Macho Dancer 3.0: Sibak

Ang dami na nating pinagdaanan sa taong ito! Wala pa tayo sa kalahati pero pang-isang dekadang hamon na yata ang ibinabato sa atin. Kumusta naman kayo, mga ateng? Sana ay okay kayo at nasu-survive ang araw-araw. Tengga ang karamihan ngayon sa bahay maliban sa ating magigiting na frontliners. Salamat sa ibang kumpanya na pumayag sa work-from-home setup at patuloy tayong kumikita. Ang ilan sa atin ay todong nag-aantay sa pa-relief goods ni mayor mula sa barangay at kung papalarin, nawa'y qualified sa ayuda ng DSWD. Iisa lang naman yata ang hiling nating lahat, ang matapos na ang delubyo ng COVID-19. Madiskubre na sana ang gamot at bakuna laban dito.

Bilang pamatay-bagot, binalikan ko ang ating koleksyon ng mga pelikula. Isa sa mga isinalang ko ang Sibak, Midnight Dancers. Una ito sa trilogy ng macho dancer trilogy na directed by Mel Chionglo. The other two are Burlesk King and Twilight Dancers na irereview din natin because why not?

Sibak, Midnight Dancers (1994)
Tangent Films International
Directed by Mel Chionglo
Story and Screenplay by Ricky Lee
Starring Alex Del Rosario, Gandong Cervantes, Nonie Buencamino, Maureen Mauricio, RS Francisco, Soxie Topacio, Perla Bautista and Lawrence David 

Tungkol ito ng tatlong magkakapatid na macho dancer - sina Joel (Del Rosario), Dennis (Cervantes) at Sonny (David). Sa Club Exotica sila bonggang sumasayaw at tume-table sa mga customers. Kapag bet sila i-booking, may mga kwartong avail sa second floor. Manager nila dito si Dominic (Topacio) na pinatalsik si Dennis dahil palaging late. Ayun, napabarkada sa mga magnanakaw. Si Joel ay may asawa (Mauricio) at anak na, may jowang sisteret pa (Buencamino). Open naman ang dalawa sa setup nila. Mahal nila si guy eh. Bunso ng pamilya si Sonny na naging ka-MU si Michelle (Francisco), isang transgender woman na nagtatrabaho din sa parehong club.

"Titigil na ako sa pagko-callboy. Sabi nila walang mawawala sa atin dahil mga lalaki tayo.
Hindi totoo 'yon. Gabi-gabi, kung sinu-sino kasiping nating mga lalaki. Ni hindi man lang natin kilala.
Ni hindi man natin gusto. Binabayaran lang tayo para sa katawan natin."
Diyan muna uminog ang istorya bago nagkandaleche-leche nang kupkupin nila si Bogart na isa palang kawatan at itinakas ang pera ng mga kasamahan. Nambabae din ang tatay ng magkakapatid, na-raid ang Club Exotica at sinalvage si Dennis ng mga parak. Last na pagsubok ang pagsugod ng mga kasamahan ni Bogart sa bahay ng magkakapatid. Nagkataong nanay (Bautista) lang nila ang nandoon at sinaktan. In the end, nahabol at napatay sila nina Joel at Sonny.

Taong 1994 ipinalabas ang Sibak, mga panahong patok pa ang macho dancers at gay bars. Meron pa rin naman niyan hanggang ngayon pero karamihan kasi, online na ang palitan ng transaksyon - massage (with or without extra service), escort, o direktang sex for hire. According to Wikipedia, na-ban daw ito sa Pilipinas. I think the working title was Sibak then Midnight Dancers was the international title. Paki-correct nga ako, mga ateng, if ever mas may alam kayo sa nangyari. 9 years old pa lang naman kasi ako noon so busy pa sa Sailor Moon. CHAR!

Kahirapan ang sentro ng pelikula. Easy money ang makukuha sa pagsasayaw at pagbebenta ng laman. Kahit may option ang magkakapatid na magkaroon ng ibang trabaho, nasanay sila sa madaling kitaan. Pero sabi nga sa ingles, "easy come, easy go". Nagustuhan ko rin na ang daming ganap sa pelikula but not to the extent na dragging na. Hands down pa rin kay Ricky Lee sa paggawa ng makabuluhan at matinong script. Hindi pilit ang mga salitang ginamit.

Mabigat sa damdamin ang istorya kasi kung minsan ka nang nakaranas ng kahirapan, mararamdaman mo ang pinagdaanan ng mga karakter. Hindi mo sila masisisi kung bakit kinailangan nilang kumapit sa patalim. I may not agree na makipagrelasyon sa iba habang may asawa't anak ngunit nangyayari 'yan sa totoong buhay eh. I particularly liked the relationship between Sonny and Michelle. Minsan lang kasi talakayin sa mga pelikula noon ang relasyong man to transgender woman. Iba pa ang pananaw noong 90s eh. Hindi rin nauwi ang relasyon nila sa awayan, hiwalayan at patayan. Mapapa-#SanaAll ka talaga!

If you want to watch the movie, it is available online via YouTube. Sana lang legit itong na-upload. CHOS!

Rating: 4/5 stars

1 comment:

  1. May nauna pang Macho Dancer na movie Directed by The Great Lino Brocka starring Allan Paule kaso ng pinalabas sa sinehan ang daming cuts kasi conservative ang MTRCB.

    ReplyDelete