Last month ay nabakunahan tayo laban sa COVID-19, salamat sa mabilis na responde ng QC Government. Lahat kaming magkakapatid at isang eligible na pamangkin ay naturukan na. Hindi kami pare-pareho ng brand. Sa ate ko ay Pfizer, sa pamangkin ko ay Sinovac, sa bunso kong kapatid ay Johnson & Johnson at Astrazeneca ang sa akin. Salamat din talaga at walang anti-vaxxer sa pamilya namin.
Ang proseso ay mag-register lang sa
QC Vax Easy site. After 2 weeks ay nakatanggap ng text para sa schedule. Tuesday ko 'yan na-receive tapos Thursday ang schedule, alas dose ng tanghali sa SM North Skydome.
Mga 11:55 am ako nakarating tapos walang pila. Medyo nagtaka pa nga ako kasi hinanda ko na ang sarili sa magdamagang pila kasi ganoon ang nakikita kong experiences sa ibang LGU. Bago pumasok, chineck muna ni koya guardo ang text message. After that, binigyan ako ng form para sagutan. Pila na daw kami for initial assessment while filling it out. Pagkatapos ay pinapunta sa isang doctor para sa interview. After makapasa, pinag-antay saglit para sa turukan moment. Abot-abot ang kaba ko dahil sa takot, hindi sa bakuna kundi sa karayom. Bata pa lang ako ay ayaw ko na sa injection pero kailangan harapin.
Pinaupo ako ni ate nurse sa harap niya at kinuhanan ng BP. Pagkatapos ay inilabas ang hiringgílya sa plastic saka sinaksak sa vial. Hindi na ako tumingin, basta itinaas ko na lang ang manggas ng damit at lumingon sa kabilang dako.
"Okay na po. Wait kayo doon at tatawagin ang pangalan niyo." sabay turo sa waiting area.
'Yun na 'yon? May itinarak ba kasi wala akong naramdaman. Expect ko pa naman na aaray ako at baka umabot sa buto ang karayon kasi buo nilang itatarak. Pinagdudahan ko pa na baka wala naman talagang ininject. CHAR!
Habang nag-aantay sa last step, inaabangan ko na ang side effects. So far, parang normal lang. Natawag ako after more or less 15 minutes at sinabihang bumalik sa Oktubre para sa second dose. Ang laki pala ng pagitan ng 2nd dose ng Astrazeneca kumpara sa ibang brand.
Kinagabihan ko na naramdaman ang side effects. Nilagnat at nagkaroon ng body pains. Para akong nabugbog at feeling nalamog. Napapa-ungol pa ako sa sakit. Hindi ako sanay kasi sa sarap lang ako umuungol. CHOS! Sabado ng umaga na gumaan ang pakiramdam ko at parang walang nangyari.
Maraming benepisyo ang bakuna. Pwede pa rin kayong mahawaan pero bababa ang tsansa na lumala. Ang pinakarason ko ay para maiwasang ma-ospital.
JUSKO! Wala tayong limpak-limpak na salapi panggastos sa gamot, ICU, intubation at medical processes. Minsan ay umaabot pa ng milyon 'yan. Alam niyo naman ang sitwasyon ng healthcare sa Pilipinas, kapag wala kang pera, malamang mamatay ka. Sa trew lang tayo, 'no!
Kaya mga ateng, hinihimok ko kayong magpabakuna. Gawin niyo 'yan hindi lang para sa inyo kundi para na rin sa mga mahal niyo sa buhay. Mahirap at mahal magkasakit. Kung may agam-agam, magbasa ng mga artikulo mula sa legit sources o 'di kaya magtanong sa mga medical professionals. 'Wag magpadala sa mga chika ng grupo ni Aling Marites at malamang sa malamang, fake news ang source nila.