Noong December 10 ay rumampa ako sa Cultural Center of the Philippines (CCP) sa Pasay para puntahan ang exhibit ng Komiks: Sining Biswal, Isang Siglo ng Sining ng Komiks. Ito ay binuo ni Randy Valiente para sa ika-isangdaang taon selebrasyon ng komiks sa bansa.
Ako lang ang tao noon dahil pasado alas-cuatro ng hapon na ako pumunta. Nakapaskil sa pader ang kasaysayan ng komiks mula sa kapanganakan nito noong 1922, impluwensiya ng mga Amerikano, golden age era, ang pamamayagpag noong dekada '80, hanggang sa unti-unti itong mapalitan ng makabagong henerasyon. Early '90s ko namulatan ang pagbabasa ng komiks at sa exhibit ko nalaman na sa dekadang ito unti-unting pumusyaw ang minsang makulay na industriya. Umusbong na rin kasi ang mga makabagong uri ng entertainment tulad ng VHS, internet, at cable channels. Tulad nang naikwento ko dito, isa ang komiks kung bakit mabilis akong nakabasa noong ako'y dalaginding pa. Laging may bitbit si La Mudra ng Horoscope Komiks kapag galing sa palengke dahil bukod sa horoscope, sinubaybayan niya ang nobelang Sa Isang Sulok ng mga Pangarap.Mabalik tayo sa exhibit. Bukod sa mga komiks na naka-display, meron din isang TV screen nagpapalabas ng mga videos at isa dito ang The Story of the Filipino ng CNN kung saan kasama sa mga ininterview si Rico Rival.Ang sarap pakinggan ng kasaysayan ng komiks mula sa pinakapaborito kong dibuhista. Nakatutuwa na magpasahanggang ngayon ay aktibo siya sa paglikha ng komiks. Siya ang nag-drawing ng makabagong DI-13 na sinulat ni Damy Velasquez III.
***
Dahil nasa usaping komiks tayo, isa pang dapat nating ipagbunyi ang pagbabalik sa sirkulasyon ng Liwayway Magazine. Mahigit dalawang taon din itong nawala at naging exclusive online pero nitong Hunyo ay lumabas ang kanilang kembak printed edition. Isa ako sa mga natuwa dahil miss na miss ko nang bumili ng magasin na gawang Pinoy. Siyempre pa, dito ka na lang makakabasa ng old-school style komiks.Maraming nagbago tulad ng sukat dahil mas maliit na ito. Handy at madaling ilagay sa bag. Mas kumapal na rin dahil 100 pages na. Kada-buwan na rin ang labas nito mula sa dating twice a month release. At imbes na mga artista, art o painting na ang nasa pabalat.Bilang Christmas gift for myself, dinayo ko ang opisina ng Manila Bulletin sa Intramuros noong Viernes para bilhin at current at back issues. May bonus pang 2023 planner. Love it!
Mabibili ang Liwayway Magazine sa National Bookstore at sa ilang piling newsstand. They badly need our support para patuloy silang makapag-imprenta ng mga makabuluhang kwento mula sa mga dati at bagong manunulat. Nawa'y mabuhay muli ang interes ng mga Pilipino sa ganitong babasahin dahil nakakahinayang naman kung magiging parte na lamang ng nakaraan.
No comments:
Post a Comment