Kalunos-lunos ang nangyari kina teacher Lorna Pulalon at Dionie Torres ng Zamboanga City nitong Biernes lang. Namatay ang una samantalang nakaligtas naman ang huli sa pananaksak upang protektahan ang kanilang mga estudyante laban sa lalaking nag-amok sa loob ng paaralan. Todong nakakalungkot sapagkat kulang na nga tayo sa mga titser, nabawasan na naman.
Bago pa ang insidenteng 'yan, may nagtangka daw suhulan si teacher Lorna para sa nalalapit na barangay election. Tinaggihan niya ito at sinabing hindi siya masusuhulan dahil isa siyang guro. Nakakaiyak talaga ang pagkawala niya. Hindi ko tuloy maiwasang maisip na sana, yung mga corrupt at walang 'wentang officials na lang ng gobyerno ang nawala imbes na sila. Sila pa na tapat sa tungkulin ang napahamak.
Bukas na ang eleksyon at parte na nito ang lantarang pandaraya at pagdanak ng dugo. Wish ko lang na bonggahan ng pamahalaan ang proteksyon para mga botante lalong lalo na sa mga guro. Nasa hukay ang isa nilang paa sa pagbibilang ng mga boto at pagbibitbit ng ballot boxes. Dagdagan na rin natin ng dasal na sana'y maitawid natin ang halalang ito ng mapayapa at walang nasasaktan.
No comments:
Post a Comment