Tuesday, February 14, 2012

Kawatan

Kaya naman pala may pulis at minsan sekyu na nagbabantay sa may Buendia station ng MRT malapit sa may sakayan ng bus. Talamak na talaga ang ginagawa ng Siksik Gang kung saan sinisiksik nila ang mga pasahero para kuhanin ang mahahalagang bagay sa bulsa o bag nila.

Nitong nakaraan lang, nakita ko kung paano nila gawin 'yan. Habang nag-aantay ako ng bus o FX na masasakyan papuntang Ayala, nakita ko 'tong isang lalaki na akmang aakyat ng bus para sumakay pero biglang bawi at kunwaring nagkamali ng sinakyan. 'Yun pala, fail siya sa pasaherong target nila. Titingin siya sa gilid niya kung saan naroon ang kasama niya. Aaktong mag-aantay ng bus at kapag marami ang pasaherong sasakay, makikisiksik sila. Doon na nila gagawin ang masamang balak.

Ilang beses ko nang nasaksihan ang iba't ibang krimen sa mga pampublikong sasakyan, mapa bus man o tren. Wala na talagang pinipiling lugar ang mga kawatan. Hangga't hindi sila nahuhuli, mauulit ang ganitong pangyayari.

Buti na lang at vigilant ang muntikan nilang biktima at nakuhanan pa ng imahe. Kalat na kalat na 'yan sa Facebook at nawa'y makatulong para madakip na sila ng kinauukulan. Dahil may seguridad na sa Buendia, malamang na mag-iba ng ruta ang mga 'yan. Kaya kahit nasaan man kayo, magmasid at maging alerto.

1 comment:

Yujin Wong said...

i may sound mean pero sana pag may nahuhuling magnanakaw.. putulan ng kamay... tapos ang usapan

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...