Sunday, June 20, 2010

A Letter of a Gay Son to his Father

Dear Papa,

Thank you so much for everything. Mula sa pagbuo niyo sa akin ni Mama hanggang sa pagsuporta sa aking paglaki. Malinaw pa sa aking alaala ang pag-aalagang ginawa mo sa akin mula sa pagpapaligo, pagpapakain sa hapag kainan, sa aking bonggang birthday celebration, at pagpapa-aral sa eskwelahan. Natatandaan ko pa din ang pag-aantay mo sa akin sa labas ng bahay dahil ginabi ako sa paglalaro ng computer games malapit sa plaza.

Sa tuwing uuwi ka mula sa ibang bansa, hindi mo nakakalimutang dalhan ako ng tsokolate. Kaya kapag bumibili ako nito at naaamoy ang lasa, ikaw ang naaalala ko. Madalas ka mang wala sa piling namin, pinupunan mo naman iyon sa tuwing ikaw ay dumarating.

Isa na yata ako sa pinakamaswerteng bakla sa mundo dahil ang isang tulad mo ay hindi ako pinagbawalang maging totoo sa sarili. Hindi mo ako kailanman kinahiya bagkus ay naramdamn kong paborito mo ako at pinagmamalaki sa ibang tao.

Hindi ka man perpektong tatay, hindi hadlang iyon para mahalin kita nang lubusan. Isa ka sa mga dahilan kung bakit ako'y matatag at matapang na tao.

Ngayong araw mo Pa, hangad ko na ika'y ligtas, malusog at higit sa lahat, masaya. Hindi ko man alam kung nasaan ka ngayon, dito sa puso ko, lagi kang may lugar.

Maraming salamat Pa at Happy Father's Day.

JTC

1 comment: