Wednesday, July 14, 2010

100

Pagkagising ko kaninang umaga, umuulan ng todo. May bagyo pala. Signal number 2 sa Metro Manila. Napasarap ang tulog ko kahit walang kuryente dahil sa lamig ng panahon. Nakakatakot lang ang pagaspas ng hangin sa labas na parang hihigupin ka. Iba talaga kapag ang kalikasan na ang humataw. Bongga to the max!

Kahit anong sarap ng higa ko, kailangan kong bumanagon para pumasok sa trabaho. Pagkatapos maligo at kumain, larga na papuntang Makati kahit madilim pa sa labas. Yay! Walang kailaw-ilaw at madilim ang kalsada. Oo nga pala, brownout. Buti na lang kahit papaano ay naaaninag ko pa rin ang daan. Patak patak na ulan at umiihip na lang ang hangin. Ang daming tangkay ng puno at dahon na nakakalat sa kalsada. Salamat na lamang at sa lugar namin ay walang punong natumba.

Nakarating din sa wakas sa sakayan ng bus. Huwaw! Punuan ang mga Don Mariano at Pascual Liner. Paano na yan? Pinag-iisipan kong mag-taxi pero nanghihinayang naman ako sa mahigit kumulang na 200 pesos na ibabayad ko na pamasahe. Nag-antay muna ako ng kaunti. Napansin kong lumiliwanag na ang langit kahit maitim ang mga ulap. Nagpasya na akong sumakay ng taxi. Baka mahuli ako sa trabaho at mabawasan pa ang sweldo.

Mabilis ang biyahe namin ni manong driver. Bukas ang radyo ng taxi at si Kabayang Noli de Castro ang naririnig kong nagbabalita. Wala talagang makakapantay sa galing niya pagdating sa pagbabalita. Dito talaga siya mas angat. Bumaba na sa signal number 1 ang bagyo sa Metro Manila pero hindi bumibiyahe ang MRT dahil sa kawalan ng kuryente. Hindi pa daw alam kung kailan babalik ito.

Binabagtas na namin ang EDSA papuntang Ortigas nang makita namin ang banggaan ng isang malaking trak at taxi. Durog ang bandang likuran ng taxi. Wala namang nasaktan sa nangyari. Nagdulot lang ng konting kabagalan sa trapiko.

Habang nasa EDSA Shaw kami, ibinalita ni Kabayan na may banggaan sa EDSA bandang Estrella Southbound lane. Limang sasakyan ang damay at isang lane lang ang pwedeng daanan. Buti na lang at narinig namin ang balita bago pa namin marating ang lugar nang pinangyarihan. Umikot na kami agad sa EDSA Guadalupe at tinunton ang ibang daan papuntang Makati. Salamat na lang kay manong driver at nakarating ako kaagad ng opisina sa tamang oras. Yun nga lang, nalagasan ako ng higit pa sa nakalaan kong budget sa pamasahe. 170 ang nasa metro pero 180 na ang binigay ko. Tip na yung sampung piso.

**Oo nga pala, ito ang ika-isandaang blog post ko. Anim na buwan pa lang ang blog site ko pero ang dami ko na palang naisulat mula sa mga piraso ng buhay ko hanggang sa mga bagay na nakapaligid sa akin. Todo sa bongga di ba!

1 comment:

  1. atey, i guess sa bandang sauyo ka nag-abang ng bus noh?

    ReplyDelete