Monday, December 30, 2019

Lamat

Gumala ako last Saturday sa favourite spot natin, saan pa nga ba kundi sa kahabaan ng Recto. Nag-shopping galore ang byuti ko ng shu-es, damit, puki shorts pang-jogging dahil feeling ko uumpisahan ko ang 2020 na nag-eexercise ng mga dalawang araw lang naman charot at siyempre, hindi mawawala ang pagha-hunting ng CDs at dibidi-dibidi. Buti na lang at maraming tinda ngayon si Mang Greg. Isa sa pinaka bet kong nabayla sa kanya ang Markova: Comfort Gay.

Markova: Comfort Gay (2000)
RVQ Productions
Screenplay by Clodualdo del Mundo Jr.
Directed by Gil M. Portes
Starring Eric Quizon, Loren Legarda, Jeffrey Quizon and Dolphy

Hango ang istorya sa buhay ni Markova o Walter Dempster Jr., ang kauna-unahan at kaisa-isang Pinoy comfort gay. Special guest dito si Loren Legarda bilang sarili niya as a journalist na pinagkwentuhan ni Markova ng kanyang mga karanasan. Nagsimula ito sa kanyang pagkabata kung saan hindi siya tanggap ng kanyang kuya. Madalas siya pagmalupitan nito dahil sa kanyang pagiging pusong babae. Pinagsamantalahan din siya ng kaibigan nito ngunit hindi niya na pinaalam sa pamilya dahil na rin sa takot.

Nang mamatay ang kanyang kuya sa pagsusuka ng dugo sa labis na pag-inom, dito niya naramdaman ang tunay na kalayaan. Naging performer siya sa isang bar kasama ang apat na kaibigan - sina Minerva, Anita, Carmen at Sophie. Matapos ang kanilang bonggang dance number, natipuhan sila ng mga Hapon at dinala sa tinutuluyan. Dito nila nalaman na hindi mga tunay na babae ang kanilang mga nauwi kaya ang iba kabilang na si Markova ay nabugbog. Lahat sila ay dinala sa abandonadong lugar at dito todong pinagsamantalahan ng mga sundalong Hapon.

"Pagkukunwari ba 'to o pagtanggap lang natin sa sarili natin?"
Matapos pagsawaan ay nakatakas silang lima. Tuloy ang buhay ngunit may lamat na ang kanilang mga pagkatao. Gumanti si Sophie at pumatay ng mga Hapon. Si Carmen ay nahuli diumanong nagnakaw. Si Anita ay bumalik kasama ni Markova sa pagpe-perform. Sa trulili lang, ang perfect ng akting ng limang magkakaibigan. Ang galing nina Andoy Ranay at Ricci Chan.

Nang magka-edad na si Markova, naging make-up artist siya sa pelikula. Eto na ang kanyang kinatandaan hanggang sa manatili sa Home for the Golden Gays. Isa sa pinaka matapang na tinalakay ng pelikula ang kahalagahang malaman ang HIV status. Naratay sa San Lazaro Hospital si Anita dahil nagkaroon siya nito. Year 2000 pa ito pinalabas sa mga sinehan at medyo sensitobo pa ang usaping HIV/AIDS.

Nadurog ang puso ko sa buhay ni Markova at ng kanyang mga kaibigan. Ilang taon ang kanyang tiniis bago ibinahagi sa publiko ang kalupitang kanyang dinanas. Napakagaling ng portrayal ng lahat. Dito ko nalaman na magaling pala sumayaw si Eric Quizon. PAK na PAK ang galaw.

Isa ito sa pinakamatinong pelikula na tumalakay sa buhay ng isang miyembro ng LGBTQIA+ community. Karapat-dapat niyo itong mapanood, mga ateng.

Rating: 5/5 stars

Wednesday, December 25, 2019

Simbolo

Image from wallpaperaccess.com
Maligayang Pasko, mga ateng! Panahon muli upang ipagdiwang ang kapanganakan ni Jesus sa sabsaban. Simbolo ito ng pagkakaisa at pagmamahalan. Sana magsitigil muna ang mga paid online trolls sa paghasik ng lagim sa social media. KALOKA!

Madami na ang nabago, napalitan at nangyari simula noong una tayong magkakakilala. Pero isa lang ang masasabi kong hindi pwedeng magbago - ang kalandian natin. CHAR! Naglinis ako kanina ng mga old magazines at VCDs at bet kong mag-share muli ng mga sinaunang artikulo at pelikula tungkol sa ano pa nga ba - kalalakihan. Malungkot ang kahariang bahaghari kung waley sila kaya we will reminisce them in our future posts.

Wish ko ngayong Pasko na sana ay bago muna mag-share ang mga utaw sa social media ng kung anu-ano, validate muna nila kung legit or fake news. Lakas ng kapangyarihang itim ng mga trolls these past few days, weeks, months and years. Ang laki ng pondo para sa kanila. Iilan ang nakikinabang imbes na karamihan. Todong nakakalungkot na nakakagalit. Ay teka, baka madagdagan ang fine lines natin kakaisip sa kanila.

Isa pang hiling ko na sana ang ating mga magsasaka, mga aetas at mga nasa laylayan ng lipunan ay pagtuunan ng pansin ng gobyerno (at hindi kung magkano ang maibubulsa nila). Ang sakit sa puso na madami ang naghihirap dahil sa selfish intentions ng iilan. Dear God, please help us.

And to you who's reading this, I wish you real happiness and contentment in life. You deserve it, ateng. Give it to yourself. 😉

At dahil Pasko, sabay-sabay nating awitin ang isa sa pinakasikat na awiting Pilipino...

♫ Kampana ng simbahan ay nagigising na
At waring nagsasabi na tayo'y magsimba
Maggising at magbangon, tayo'y magsilakad
At masiglang tunguhin ang ating simbahan

Ang kampana'y tuluyang naggigising
Upang tayong lahat ay manalangin
Ang bendisyon kapag nakamtan na
Tayo'y magkakaroon ng higit na pag-asa

Kinagisnang simbang gabi huwag nating limutin
Pagka't tayo'y may tungkulin sa panalangin
Ang kampana ng simbahan ay nanggigising na
Tayong lahat ay manalangin habang nagsisimba ♪

Monday, September 30, 2019

Kapatiran

Sunud-sunod na biktima ng hazing o may kinalaman sa hazing ang laman ng mga balita nitong nakaraang araw.

Darwin Dormitorio
Binawian ng buhay ang PMA cadet na si Darwin Dormitorio dahil sa broken internal organs. Ayon sa kanyang tiyahin, kinuryente daw ang bayag. JUICE KOH! Ganito na kalupit ang pagpapahirap sa mga bata ngayon para lang mapatunayan na sila'y malalakas at kayang tiisin ang kahit anong sakit. I just cannot imagine the pain he went through. Ayon sa balita, sinipa pa ito at tinamaan sa ulo. Nakakapanginig laman ang mga demonyong gumawa sa kanya nito. 

Isa namang miyembro ng UP Sigma Rho ang kinitil ang sariling buhay dahil sa hazing expose ng fraternity. Screenshots daw ito ng hazing ritual na may kasamang imahe ng paddle at bugbog na katawan at mukha. Ang sakit sa puso! Nakiusap ang Chacellor ng UP Diliman na si Michael Tan na ihinto ang pag-post at pag-share sa social media para na rin sa privacy ng apektadong pamilya. 

Bukod sa bugbog at paso ng kandila, na-stroke at nagka-internal hemorrhage naman si Jonathan Concordia ng Laguna State Polytechnic University. Kusang loob daw na sumali sa Tau Gamma Phi fraternity ang 18-anyos na Criminology student. Inamin ng spokesperson ng fraternity na dumaan nga sa hazing si Jonathan pero nakapasa na daw ito. Ang hindi lang maganda sa pandinig eh parang sinisisi niya ang pag-gym ng bata. Watch niyo...


Nakalulungkot talaga ang ganitong klaseng balita. Karahasan sa ngalan ng kapatiran. Up to now, I still don't get the concept of hazing. Para sa akin, karuwagan ang pagsali sa frat. Masyadong pinahahalagahan na pahirapan ang isang tao para maging miyembro. Napaka-entitled! Nakakasuka! Matapang dahil may kinakapitan pero bahag ang buntot sa totoo lang. 

Hindi na maibabalik pa ang buhay na nawala dahil sa karahasan. Patuloy na mangyayari ito kung hindi magbabago ang bulok na paniniwala sa konsepto ng "kapatiran". We can only hope for the better. And change.

Sources: Rappler, Inquirer and GMA News

Nagkumahog

After 8 months, nagbonding ulit kami ni Ateh Paul. I think it was the longest period na hindi kami nagkita in person. We got busy sa life eh. Ang mahalaga, we are still friends at hindi na mabubura 'yon. May jowa na rin siya, bagong-bago at super fresh! Ang tagal niyang hinintay 'yan kaya i-wish natin siya ng abundant lovelife. PAK!

We wanted to watch a movie - Panti Sisters or Jowable. Dahil hindi ako fan ng Vincentiments series sa Facebook, we chose the former.

The Panti Sisters (2019)
Black Sheep, Idea First, Quantum Films
Directed by Jun Robles Lana
Starring Paolo Ballesteros, Christian Bables and Martin Del Rosario

Nais ni Don Emilio (John Arcilla) na mabigyan siya ng apo ng tatlo niyang baklang anak - sina Gabbi (Ballestero) at Daniel (Del Rosario) na anak niya kay Nora (Carmi Martin), ang legitimate wife, at si Samuel (Bables) na anak niya sa kanyang kabit na si Vilma (Rosanna Roces). Tumataginting na 100 million per head ang at stake kaya naman nagkumahog ang tatlong bakla na mambuntis ng bilatsina.

Kahit kasuka-suka, pinilit kinarat nina Gabbi at Samuel sina Joy (Barcelo) at Chiqui (Antonio) samantalang pinagkunwari ni Daniel na kanya ang anak ng kanyang preggy neighbor. In the end, wala sa kanila ang nagkaanak. Nakunan ang ex-gf ni Samuel, hindi kay Gabbi ang pinagbubuntis ni friend at napa-DNA test ni Don Emilio ang shupitbalur ni Daniel.

I cannot help but compare it sa Die Beautiful na tinuturing kong masterpiece. Nandito rin kasi sina Paolo Ballesteros at Christian Bables tapos si Jun Lana din ang direktor. Medyo na-off ako sa simula. Ako lang naman ito pero hindi ko bet na kinakausap ng character ang moviegoers na parang nagkukwento. Then the plot na dapat nilang bigyan ng apo ang tatay nila for the sake of money is a concept na very 80s or 90s. Marami din namang highlights ang movie katulad na nais nila i-educate ang sitwasyon ng LGBT community sa Pinas especially the relationship with God and same-sex marriage. It could have been more impactful kung hindi na sila gumamit ng salitang "bakla" which is somehow, a generic term for gays, bis and trans women in our country. Sana mas specific ang term na ginamit para mas informative. At least, klaro na "Demigirl" ang character ni Daniel. It's just not clear to me kung trans woman si Samuel at gay si Gabbi, or parehong gay.

The main stars during the premiere night
Photo courtesy of GMA Artist Center
The most funny part of the movie was when Gabbi tried to have sex with Joy. Ang lakas ng tawa ng mga tao. Ang galing umarte ni Paolo! Eye candies naman ang mga pinsan nila played by Luis Hontiveros, Addy Raj and Mark McMahon. Magwawater kayo sa swimming pool at volleyball scenes nila. May pabakat si direk. CHAR! 

Addy, Mark and Luis
I also have to commend the best actors and actresses in the movie. Walang kupas sa comedy si Carmi Martin at feel na feel ko ang character ni Rosanna Roces na mahilig sa fake. Very relatable! Tawang-tawa din kami kay Roxy Barcelo at Via Antonio. Although Martin Del Rosario bagged the Best Actor award, may laban din sina Paolo at Christian. Lahat sila magaling!

Wit ko man nagustuhan sa simula at may ibang unnecessary scenes in my opinion, lumabas ako ng sinehan na natuwa't naaliw. It's a feel-good movie!

Rating: 3 stars

Sunday, August 11, 2019

Takilya

I wanted to attend the entire Saturday run (August 10) of Cinemalaya 2019 pero sold out na ang John Denver Trending at F#*@bois. Buti na lang at showing rin ang festival sa Ayala Cinemas kaya gora akiz kaninang 9:30 PM to watch F#*@bois.

Fuccbois (2019)
Found Films
Written and Directed by Eduardo Roy Jr.
Starring Royce Cabrera, Kokoy De Santos, Yayo Aguila and Ricky Davao

Punung-puno ang Cinema 4 at lumalaban sa takilya ng Hello, Love, Goodbye ang Cinemalaya entry ni Eduardo Roy Jr. At first, I was intrigued sa 30-second teaser na available sa YouTube. Walang trailer so I don't know what am I going to see. As the movie progress, familiar ang issue. Kung nabalitaan niyo dati ang isang barangay chairman na pinatay ng dalawang cutie bagets, 'yun na 'yon!


Tuesday, June 18, 2019

Itatwa

Katatapos ko lang basahin ang librong Happy Na, Gay Pa na sinulat ni Danton Remoto. Nagustuhan ko ang maraming niyang life lessons and advices. Sayang at hindi siya pinalad maging councilor ng QC. Matagal na niyang nais magsilbi sa bayan at sana maibigay sa kanya 'yan sa tamang panahon. I'm now reading Bright, Catholic and Gay. Compilation of essays written by the same author but this time, in straight English kaya eto, nose bleed ako. CHOS! I'm actually thirsty for a book about transgender women. Sana magkaroon the soonest.

Speaking of religion, naloka ako sa comments section ng post ni Catriona Gray about supporting the LGBTQIA+ community. According to some hard-core Christians, she doesn't live up to her Christian faith because (1) God does not approve same-sex marriage, (2) she can't be a true Christian and a LGBT supporter at the same time, (3) she cannot compromise her faith in God just because she is working in the entertainment industry, (4) supporting the LGBTQIA+ is going against God and (5) more vile and poisonous comments na hindi keri ng puso't isipan ko.

Can I Just Say:

I am truly disgusted with these Christians. Kung itatwa tayo, akala mo sila lang anak ng Diyos. Porke straight, sila lang tatanggapin sa heaven? If I know, may mga members diyan na hindi makapag-out kasi pinaniwala silang hindi tanggap ni God ang pagiging LGBTQIA+. Tapos ang lalakas ng loob banggitin sina Sodom at Gomorrah pero sa totoong buhay, ang daming violation sa Ten CommandmentsKALOKA! 'Yung iba sa kanila, ginagawang caption ng selfie at OOTD ang Bible quotes. Hindi na kinilabutan! Nakakasuka din 'yung mga nagsasabing hindi nila hate ang LGBTQIA+ but they don't support equal rights for the community. Ipokrita much! Magsama-sama kayo nina Miriam Quiambao at Manny Pacquiao. Marami pa sana akong sasabihin pero maghuhunos-dili akiz. Baka mabura ang byuti ko sa stress!

Isa 'to sa mga rason kung bakit dapat tayong rumampa sa Metro Manila Pride on June 29. Sama-sama tayong i-resist ang mga ganitong klaseng tao at ipakita sa kanila kung bakit masayang sumayaw-sayaw sa ibabaw ng rainbow. Kita-kita tayo sa Marikina Sports Complex, mga ateng!

Saturday, June 8, 2019

Bukod

I remember last year that one of my goals was to create a YouTube channel for our blog. It didn't materialize dahil bukod sa oras at editing skills, hindi man halata eh shy type ang byuti ko. I feel more comfortable writing and editing words kaya eto, patuloy tayong nagsusulat.

Marami na tayong pagpipilian na YouTube channels ngayon that fits our interests. Umaabot daw nang halos milyon ang kitaan kaya mapa-ordinaryong Pinoy man o artista, nasa YouTube na. I personally like Paano Ba 'To? by Bianca Gonzales because her videos are full of life advices from experts or someone who experienced it. Hindi rin dragging ang videos niya so it's not consuming so much of my social media time.

Bet na bet din ang informative videos about the LGBT+ people. There's so much learn within our community and I'm happy that Team and Outrage produced videos in our language para mas malawak ang audience reach. Topics ranges from media, SOGIE talk, establishing a business, discrimination, coming out, religion and more. PANALO!

Heto ang ilan sa mga PAK na PAK videos na t'yak na kapupulutan ng aral at impormasyon:


Friday, June 7, 2019

#ResistTogether

The Metro Manila Pride is just around the corner and the theme this year is #ResistTogether - for safe, intersectional, educational, & empowering spaces for LGBTQIA+ Filipinos.

The organization needs our help to make this a successful event just like last year. Ito ay gaganapin sa Marikina Sports Complex on June 29 at alam niyo naman, hindi biro ang gastos sa mga ganitong paganap. Pwede tayong makatulong with a minimum amount of 3 hams. Kung yayamanin ka, i-todo mo na sa 5 kwit ang donasyon. Sa bawat maitutulong, mayroong kapalit na merchandise kaya 'di na masama.

Sharing is also one way to help. Post mo lang sa social media accounts mo ang GoGetFunding link or pictures at malay mo, your friends and allies here and around the globe are willing to donate. I-engganyo ang mga friends na maki-join! Click the widget below to know more about the fund raising.


For more information about the Metro Manila Pride, please visit their official website.

Thursday, June 6, 2019

Panlasa

Samu't saring indie films ang muling ipapalabas ngayong buwan kasabay ng selebrasyon ng Pride Month.

Una diyan ang dalawang award-winning movies ni Joselito Altarejos na entries niya sa Sinag Maynila Film Festival. Ang Tale of the Lost Boys ay nanalo ng apat na awards noong 2018 kasama ang Best Picture. This year ay nanalo ng Best Actress si Angela Cortez para sa Jino to Mari. Parehong pinagbidahan 'yan ni Oliver Tolentino kaya mas masarap panoorin. Masarap daw oh! Mapapanood ito at ang iba pang entries ng Sinag Maynila sa UP Film Center (click for the schedule) in Diliman QC.

May marathon naman sina Mamu; and a Mother too at Bille & Emma sa Cinema Centenario (click for the schedule). Kasama din sila sa Pride line-up ng Cinema '76 (click for the schedule) together with 2 Cool To Be 4gotten and Miss Bulalacao. Siyempre, don't forget our shivolee siblings dahil ipapalabas din ang Baka Bukas, Changing Partners and the classic T-Bird at Ako. PAAAK! Ate Guy and Vilma in one movie plus directed by Danny Zialcita. Ibang level ang kudaan diyan!

Let's go, mga ateng, and support these movies upang mas lalo pang ma-inspire ang local film makers na gumawa ng makabuluhang pelikula na swak sa ating kultura at panlasa. Don't worry dahil wit nila haharangin ang outside fudang na binili natin. Basta make sure na CLAYGO tayiz!

Wednesday, June 5, 2019

Hangarin

It's Pride Month, mga ateng! I've never been this excited sa pagpasok ng Hunyo at feeling ko, mas dumadaloy sa dugo ko ngayon ang hangarin na tayo'y pahalagahan kapantay ng mga straight diyan.

Kasalukuyan kong binabasa ang librong sinulat ni Danton Remoto na Happy Na, Gay Pa. Masaya at nakaka-GV ang mga kwento ng bidang si Jon. Nagkaroon din ako ng DVD copy ng Zombadings 1: Patayin sa Syokot si Remington. Nakalimutan ko na halos ang istorya kaya naman binalikan ko at sobrang nakakatawa pa rin talaga. Sana magkaroon ng Zombadings 2, 3, 4, 5 and more parang Shake, Rattle and Roll.

Image from Risa Hontiveros' Facebook page
Kahapon ang last day ng 17th Congress. Kasisimula pa lang nito noong 2016 ay pinu-push na ni Sen. Risa Hontiveros ang SOGIE Equality Bill. Nakakalungkot at hindi ito nabigyan ng importansya at kinakailangan muling ihain sa pagsisimula ng 18th Congress. Maging batas kaya ito sa pagpasok nina Pia Cayetano, Imee Marcos, Bong Go, Bato Dela Rosa and the likes? Only time can tell but we will remain optimistic on this as long as we have our champions in the Congress fighting for our equal rights.

Image from Interaksyon
Nagpa-online poll pala ang House of Representatives about same-sex unions. Sa true lang, imbes na ma-excite ako, hindi ko na-bet-an. Bakit idinaan sa survey? Kaya nga sila ibinoto ng mga tao dahil sa mga plataporma nila (talaga lang huh?). I don't really get the point of having this poll dahil hindi naman lahat ay may access sa Internet. The LGBT+ community deserves so much better than this. We need the Congress to believe that we deserve equal rights and not just base their decision on a poll that can be easily manipulated.

Nagamot daw ni Pangulong Duterte ang kanyang pagkabakla nang makilala ang unang asawa na si Elizabeth Zimmerman. I can't help but to sigh and do facepalm in my mind. 'Yung inaakala nating umuusad na tayo sa ganyang paniniwala, heto't umatras at pinangunahan pa ng leader ng bansa. It's saddening because he has a lot of supporters from the LGBT+ community at ito pa ang kanyang ibabalik. Pwede bang itaas natin ang ating tingin sa mga babae at 'wag silang itratong gamot sa kabaklaan sapagkat hindi ito sakit na malulunasan.

Isa sa pinakamatunog na DDS ang transwoman na si Sass Rogando Sasot. Imbes na ipagtanggol ang komunidad kung saan siya nabibilang, sinisi pa niya si Pia Ranada ng Rappler dahil hindi daw nito naintindihan ang joke ng pangulo. So joke na lang tayo, ganon ba?

Sunday, May 26, 2019

Inangat

Last year, lumabas ang trailer ng Mamu; and a Mother too at Born Beautiful. Todo excited akiz sa dalawang 'yan dahil trans women ang mga bida. Pero ipinalabas na't lahat eh hindi ko man lang napanood. KALOKA! Buti na lang at ngayong buwan ay muling ipinalabas ang Mamu as a Mother's Day presentation. Bongga de vaaahh? This time, hindi ko na pinalagpas at rumampa kaninang alas-onse ng gabi sa Cinema Centenario in Maginhawa, QC.

Second time kong manood sa isang micro-cinema at bet na bet ko ang plasung. Mangilan-ngilan na lang ang bakanteng upuan nang ako'y dumating. Nakatutuwa na ang daming sumuporta.

Mamu; and a Mother too (2018)
Cinema One Originals
Written and Directed by Rod Singh
Starring Iyah Mina, Arron Villaflor, EJ Jallorina, Jovani Manansala and Markus Paterson

Si Mamu (Mina) ay isang pokpok sa Pampanga na may jowang (Villaflor) mas bata sa kanya. May work naman si boylet kaya lang 'di sapat para sa kanila. One day, nategi ang shupatemba ni Mamu na may junakis in the name of Bona (Jallorina), isa rin trans woman. Wala namang choice si Mamu kundi kupkupin ang bagets.

Pangarap ni Mamu na maging susuhan para umangat ang kanyang value sa pokpokan industry. Pero dahil pricey itey, ipon muna sa lata ng floorwax yata. Medyo hirap maka-save more dahil bukod sa dalawang bibig na ang pinapakain, matumal na sa bookingan sapagkat mashonda na't maraming fresh competitors. Para makatulong, bet sanang magtrabaho ni jowa sa ibang lugar pero eks kay Mamu. Masyado daw mahina ang katawan ni ohms at siya na lang daw ang bahalang rumaket. Dito na pinasok ni Mamu ang pagiging cybora. JUICE COH! Relate ako sa mga paasang afam. Gusto performance muna bago padala. Hellooowww! Money down before panty down.

May sarili namang lovelife si Bona at dalawa pa, sina Franco (Manansala) at Kiko (Paterson). AYNAKODAY! Jackpot ang bunso natin at parehong cutie pie - isang purong Pinoy at isang half-breed. Kainggit! St. Bona of Pampanga, please pray for us. GANYAAAN! Super kakilig. Sino ang nagwagi sa puso niya? Nako, hindi ko na ibibigay 'yan. Panoorin niyo para malaman.

I've seen a lot of LGBT-themed movies and Mamu; and a Mother too is on my top 3. Baka nga top 1 pa dahil relate na relate ako sa mga eksena excluding the jowa part bilang waley ako 'nun. Ano ba 'yun? AMP! Like Mamu, may pamangkin akong sinusuportahan at gusto ko rin na makatapos siya ng pag-aaral. After that, he can do whatever he wants to do basta hindi masama.

Bona with her alkansya and strobe lights
While watching the movie, I can't help but to be proud of some scenes. May respeto, hindi ginawang katatawanan at inangat ang pagiging trans woman. May mga light moments with friends pero hindi niyurakan, nilait, at binatuk-batukan. Hindi korni pakinggan ang mga linya at napapanahon ang gay lingo na ginamit. Also, the characters are not overly-sexualized. Walang laplapan, matinding karahasan at todong hubaran. Pang-dalaginding kaya nakakuha ng R-13 from the MTRCB.

The cast were perfect for their roles. The surprising ones were Petite and Tonton. Dami naming tawa sa kanila! Supportive na mga kaibigan pero in touch sa reality. Swerte nina Mamu at Bona to have friends like them.

Panoorin ang Mamu; and a Mother too bago mahuli sa chika! Showing pa sa micro-cinemas near you. Here's the schedule:


Rating: 5/5 stars

Monday, May 20, 2019

Bulong

Happy Monday, mga ateng! Hindi ko man tanggap ang resulta ng botohan last week, I'm happy na ibinoto ko 'yung mga kandidatong pinaniwalaan ko ang plataporma at nais talaga maglingkod sa mga Pilipino.

Laganap daw ang vote buying pero sa tagal ko nang bumuboto, hindi pa ako na-offeran niyan. Minsan nga, ako na naghahanap sa kanila sa labas ng eskwelahan. Ang sabi, may "bulong" daw para maambunan. KALOKA! Bakit hindi ako binubulungan? Malinis naman ang tainga ko. Nako ha, may discrimination. CHAR!

Hindi ko alam kung bakit down ang website ng DOH but according to this news article from The Philippine Star, tatlumpu't walong (38) bagong kaso ng HIV/AIDS ang naitatala ng DOH araw-araw. Mahigit doble sa 16 cases/a day 5 years ago.

Photo from healthline.com
Ayon sa datos, 1,172 new cases ang naitala noong Marso at 215 dito ay nasa advance stage na ng AIDS. Pakikipagtalik pa rin ang namber wan reason of transmission. 712 ay mula sa male-to-male sex, 154 ay sa male-to-female sex, at 282 ay galing sa pakikipagtalik sa parehong kasarian.

Nakababahala ang patuloy na pagtaas ng bilang. Although kapapasa lang ng RA 11166 o Philippine HIV and AIDS Policy Act, tumulong tayo sa pag-aksyon para makontrol at mapababa ang mga bagong kaso. I believe the most effective way is to educate yourself then pass it to your family and friends. Kung medyo dyahe sa topic dahil aminin natin, taboo pa rin maituturing sa iba ang usaping sex, take the first step and talk about it dahil para naman ito sa ikabubuti nila.

Uulitin ko at hindi magsasawa, the best way to avoid HIV/AIDS is to abstain from casual sex. Kung hindi mapipigilan by the Sexbomb dancers then always bring condom and lube. Naubusan? Then download the Safe Space PH app and look for nearby establishments that can give you free supplies. Wanna know your status? Visit LoveYourself or DOH Treament Hub near you.

News source: New HIV infections recorded daily - DOH

Sunday, May 12, 2019

Desisyon

Kumustasa, mga ateng? Bukas na ang national elections at excited na akong iboto ang mga karapat-dapat sa paningin, damdamin at pag-iisip ko. The past three years have been soooo confusing. Nagkalat ang fake news, ang daming toxic comments sa Facebook at buhay na buhay ang trolls sa Malacañang upang maghasik ng lagim sa social media. Unti-unti na silang dumadami sa Twitter at Instagram. YAK!

Alam niyo naman siguro na opinionated ang byuti ko sa usaping pulitika. Hindi man tayo experto, may knowledge power naman tayo, salamat sa turo nina ma'am at ser sa eskwelahan, at mga legit sources ng balita at impormasyon. JUICE COH! Uulitin ko, ang daming fake news at websites na ang tanging goal ay lituhin ang mga utaw at pabanguhin ang nangangalingasaw na amoy ng gobyernong ito.

Ano nga ba ang kailangan upang maihalal at makaupo sa dalawampu't apat na posisyon sa senado?


BONGGA! Next year pala ay qualified na ako. CHOS! So lima lang pala. Eh ano naman kaya ang trabaho nila?


Sa bigat ng trabaho nila, hindi ba pwedeng dagdagan ang qualifications? Sana man lang nakapag-aral ng kolehiyo at may number of units na required for law and finance. Pero siyempre hindi mangyayari 'yan dahil mahihirapan ang mga gunggong na pulitiko na tumakbo. Kadalasan talaga naiisip ko, 'yung mga gusto nga magtrabaho sa gobyerno, kailangan tapos sa pag-aaral at pasado sa Civil Service Exam, bakit kaya itong matataas na posisyon eh wala man lang ganun? KALOKA!

Sino na bang iboboto niyo? Meron na ba kayong napagdesisyonan. Kung wala pa, sana ay isama niyo sila sa inyong balota:

#5 Alejano, Gary
#9 Aquino, Bam
#22 Colmenares, Neri
#23 De Guzman, Leody
#25 Diokno, Chel
#36 Gutoc, Samira
#37 Hilbay, Pilo
#41 Macalintal, Romy
#52 Osmena, Serge
#57 Roxas, Mar
#59 Tanada, Erin

My Partylist vote goes to #88 AKBAYAN. Utang na loob, 'wag 'yung kay Mocha at Erwin Tulfo na hindi pa binabalik ang mahigit animnapung milyong piso mula sa maanomalyang kontrata with Department of Tourism sa pamumuno ni Wanda Teo

Naglabas na rin ng kanilang mga sinusuportahan ang iba't ibang religious groups. Karamihan sa atin ay relihiyoso at malaking impluwensya ito sa ating magiging desisyon. Sa ganang akin lang, binigyan tayo ng Diyos ng utak at puso upang gamitin sa kabutihan. If you feel that the recommendation of your religion is not in line with what you feel is for the good of the nation, follow your heart and don't worry because God will understand.

Baguhin na rin natin ang konseptong iboboto natin sila dahil sila ang mananalo. Hindi pera ang nakasalalay sa boto mo kundi ang kinabukasan ng Pilipino.

Kahit na nakatutukso, 'wag ipagpalit ang boto sa pera. Mali din ang sinasabi nila na tanggapin ang pera pero iboto ang gusto. Tinanggap mo pa rin ang perang hindi mo alam kung saan galing.

Nawa'y maging mapayapa at puno nang pagbabago ang darating na halalan. Malayo ang mararating ng isang boto kaya 'wag sayangin, ito'y matalinong gamitin.

Saturday, April 6, 2019

Jino to Mari

Isang taon matapos magwagi ang Tale of the Lost Boys sa Sinag Maynila 2018, nagbabalik sina Oliver Aquino at Direk Joselito Altarejos para magbigay muli ng isa na namang makabuluhan at mapangahas na pelikula, ang Jino to Mari.

Kasama nila dito si Angela Cortez na gaganap bilang batang ina. Ang kwento ay iikot sa dalawang tao na binayaran upang gumawa ng porno sa Araw ng mga Kaluluwa. KALOKA! Baka bumangon ang mga bangkay para manood nito huh! Ang isa pang nakakaintriga, may ipinagawa sa kanila na hindi naman kasama sa usapan. Ano kaya 'yon? Nako, kailangan nating mapanood ang pelikula para malaman 'yan!

Una nang naipalabas ang Jino to Mari sa mga film festivals sa Switzerland at Cambodia at umani ng mga bonggang papuri. Eh gawang Joselito Altarejos 'yan eh, sure na quality film! Kaya naman 'di nakapagtatakang pasok ulit siya sa Sinag Maynila 2019. PAK!


Mga ateng, minsan na lang magkaroon ng ganitong pelikula kaya todong suportahan natin. Aside from SM at Gateway, mapapanood din ito sa micro-cinemas like Black Maria in Mandaluyong and Cinema '76 in Anonas. Narito ang schedule:
Black Maria Cinema - April 7 and 9 (6:30 PM), April 8 (1:30 PM)
Cinema '76 Anonas - April 7 (9 PM), April 8 (6:30 PM)
Gateway Cubao - April 6 Gala Screening (9 PM), April 8 (1:30 PM), April 9 (6:30 PM)
SM Megamall - April 7 (9 PM), April 8 (6:30 PM)

Sunday, March 17, 2019

Call Her Ganda

I cannot believe na limang taon na ang nakalilipas nang brutal na patayin ang sisteret nating si Jennifer Laude.

Jennifer Laude and Joseph Pemberton
Nahatulan na si Joseph Pemberton ng 6 hanggang 12 taon na pagkakakulong pero hindi lubusang makuha ng pamilya ni Laude ang hustisya. Dapat kasi ay sa New Bilibid Prison siya idi-deliver after the trial pero dahil sa presensya ng mga 'kano, sa Camp Aguinaldo ito nakapiit. Ayaw sa masikip at mainit. Ano siya, si Maricel Soriano? Special treatment dahil ba Amerikano? KALOKA!

Last year, ipinalabas sa iba't ibang panig ng mundo ang Call Her Ganda, ang dokyumentaryong sumubaybay sa kaso. Umani ito ng mga papuri at ngayon ay ipinapalabas sa Cinema 76 in Anonas and San Juan. I was able to watch it last night and there was a Q&A with the producer, director and lawyer of Jennifer Laude. Direk PJ Raval said it took them 3 years to complete the film. Ang haba!


It was my first time to watch a documentary like this. May interview with the lawyers, sa nanay at kapatid ni Jennifer, may news clippings, rally, discussion ng transgender women, at may special participation si PDutz. Naiyak ako sa ilang eksena specially kapag pinapakita si nanay. Sabi nga nila, walang kasing sakit sa magulang ang maglibing ng anak. Ilang beses din siyang sinubukang suhulan. Kahit na mahirap sila at alam naman nating malakas ang tukso ng pera, hindi nila binenta ang hustisya na karapat-dapat sa kanyang anak.

Photo courtesy of Cinema '76
Binuksan din nito ang aking isipan sa mga butas ng VFA o Visiting Forces Agreement. Nakapaloob pala dito na isang taon lang ang palugit para sa kaso or else, fly-la-loo to the US of A na si Pemberton. Sabi ni Atty. Virgie Suarez, it was like a marathon case. Stressful pero kinaya. One of the lawyers who helped as well was the famous Harry Roque. Infairness, na-appreciate ko siya dito nang husto. Sayang at nasira siya kay PDutz.

Mga ateng, I'm inviting you to watch this documentary. Madaming kayong matututunan. Tiyak na ipaglalaban niyo rin ang karapatan at pagkilala na matagal na nating inaasam.

Here are the schedule:

Sunday, March 10, 2019

Maaasahan

Both Princeton University and University of the Philippines denied Imee Marcos' claim that she graduated on both universities. Todong nakakahiya! With honors pa man din ang palabas ng lola niyo, 'yun pala ay imbento lang. Akala niya yata eh hindi aalingasaw ang baho na kanyang itinatago. Kung scholastic records pa lang eh pinasinungalingan na niya, paano pa kaya ang pagsisilbi sa bayan? Mahirap magtiwala sa taong tulad niya ah!

Our VP Leni Robredo has a very classy statement about the issue...


Si Sara Duterte na lider ng Hugpong Pagbabago na ini-endorso si Imee ay uminit ang ulo at bumwelta. I don't want to quote the exact statement dahil ano ba ang maaasahan natin sa bunganga niya? Ang sabi niya, since day 1 daw ay fake VP na si Leni at questionable ang pagkapanalo. Dinagdag pa ang pakikipagrelasyon diumano ni VP sa ibang lalaki. KALOKA! Super dirty na nakakahiyang marinig sa isang presidential daughter. 

Bet din ni Sara na siya na lang ang harapin ng Otso Diretso sa debateng kanilang hinihingi. Ang siga ni ateng! In the first place, kung kampante ka sa senatorial slate mo, hahayaan mo silang magsalita, ilahad ang kanilang plataporma at kunin ang puso ng mga manonood. I personally want to know what are the plans of Bong Revilla, Jinggoy Estrada, Lito Lapid and the likes kung sakaling maupo sila. Ano pa ang kailangan nilang gawin na hindi nila nagawa noong nakaupo sila?

Kaya mga ateng, 'wag magpapadala sa matatamis na salita, pangako, at song and dance number ng mga kandidato. Suriin nang husto ang kanilang background (education, work experience etc.), alamin ang kanilang mga plataporma at saka pumili ng iboboto. 

Nakita niyo naman kung ano ang nangyari sa loob ng tatlong taon. Nasa ating mga kamay kung gusto natin nang pagbabago o ituloy kung ano ang meron sa ngayon.

Makatas

So Karen Davila was heavily bashed on social media because of her interview with Manny Pacquiao. Since it's a morning show and is only available in cable, I didn't bother myself to watch the uploaded videos on Facebook. You know how trolls can modify news nowadays lol! Anyways, here's the official upload of ABS-CBN...


Kapag interview talaga ni Manny Pacquiao as a politician, cringe-worthy panoorin! The way he talks and answers the questions, wala kang makatas na sustansya. He can't even create a complete sentence na convincing. Sa interview, puro "problema" at "solusyon" ang sinasabi. Can he at least site the problems that the Filipino people are currently facing? What are the solutions is he trying to create?

I also don't get the hate towards Karen Davila. She adjusted her questioning to the level of Pacquiao. She asked basic questions. Kung nag-aaral ka, why is it hard for you to say where you are studying? Bakit may pa-secret pa? Public official siya, de vaahhh? Tsaka magandang impluwensya kaya na kahit nahalal siyang wala masyadong alam sa pulitika eh pinag-aaralan naman niya. 

But to be honest, hindi ako pabor diyan. To elevate the situation of the country, one must be ready kapag nanalo. Sayang sa oras na kapag nanalo lang, doon lang aalamin kung ano ang pinasok at saka mag-aaral. Ano 'yon, pag-aantayin niyo ang sambayanan? Kaya mabagal ang pag-unlad eh, bumabangko sa kasikatan at impluwensiya ang mga kandidato imbes na sa kakayahan.

I remember a question sa Miss Q&A last year:
"Sa iyong palagay, matalino ba ang mga botante sa Pilipinas?"
The gorgeous Patricia Montecarlo answered that question. Here's my talak for that:
"I believe ladies and gentlemen, matatalino ang mga Pilipinong botante. Sadya lamang na naiimpluwensiyahan sila ng kanilang damdamin sa pagboto. Nadadala ng mga matatamis na salita at mga pangakong kadalasan ay napapako. We have to change this mindset, ladies and gentlemen. This coming election, bumoto tayo ng mga kandidatong may credibility and quality and not for their popularity. And I thank you!"